Tinderang kumakanta sa Videoke, Patay Matapos Makuryente!

211

Santiago City, Isabela- Patay ang isang babae matapos paghinalaang makuryente gamit ang mikropono habang kumakanta sa Videoke dakong alas nuwebe ngayong umaga, Pebrero 21,2018 sa Brgy. Dubinan East, Santiago City, Isabela.

Kinilala ang biktima na si Ruth Jeam Sarmiento, 38 anyos, tindera, walang asawa at residente ng nasabing barangay.


Batay sa imbestigasyon ng PNP Station 2 Santiago City sa pangunguna ni PCI Reynaldo Maggay, kumakanta umano sa mismong bahay at bagong Videoke ang biktima nang biglang makarinig ng ibang ingay mula sa mikropono ang kinse anyos na pamangkin ng biktima kaya’t agad itong lumabas at Nakita ang nakahandusay na katawan ng tiyahin hawak ang mikropono.

Agad umanong nilapitan at hinawakan ng binatilyo ang tiyahin subalit nakuryente rin umano ito kaya’t agad pinatay ang main switch ng kanilang kuryente.

Naisugod pa sa malapit na pagamutan ang biktima ngunit idineklara ding Dead on Arrival.

Samantala, sa mismong pagtutok ng RMN Cauayan News Team sa pinangyarihan ng insidente kasama ang SOCO, napag -alamang nagtamo ng burned injury mula sa kaliwang bahagi ng dibdib at kamay ang biktima, may mga bakas ng daliri ng biktima ang mikropono at basa sa may bahaging kinatatayuan ng Videoke.




Tumanggi naman ang mga kaanak ng biktima na ipa-autopsy ang bangkay ng biktima bagamat may dati na umano itong sakit na Highblood subalit naniniwala ang mga ito na pagkakuryente mula sa Videoke ang naging sanhi ng pagkamatay ng kanilang tiyahin.

Balak pa umano ng mga kamag-anak ng biktima na ipasuri sa eksperto ang nasabing Videoke bilang kanilang ebidensya kung sakaling sila ay magsampa ng kaso laban sa pinagbilhan ng biktima.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang nasabing Videoke at patuloy ang kanilang imbestigasyon hinggil sa nangyaring insidente.

Facebook Comments