
Aabot sa milyong pisong halaga kada transaksyon ang sinisingil ng isang travel consultancy firm sa mga kliyente nito na ang target ay mga asawa ng mga foreigner na may mga problema sa Bureau of Immigration (BI).
Pangako ng travel consultancy firm na aayusin o lilinisin nila ang kaso ng foreigner sa BI.
Bukod dito ay nagpanggap pa na tauhan ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang dalawang empleyado nito.
Ang travel consultancy firm ay blacklisted na sa BI dahil sa patong-patong na reklamo laban dito.
Sa operasyong ikinasa ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group, Armed Forces of the Philippines at ng PAOCC ay natuklasan na sangkot din ang travel consultancy firm sa pag-i-issue ng mga opisyal na dokumento ng gubyerno ng Pilipinas sa mga foreign national.
Kabilang sa mga dokumentong nakita ay philippine passport, TIN ID, birth certificate mula sa Philippine Statistics Authority (PSA), NBI clearance at driver’s license ng mga foreigner.
Sinabi ni PAOCC Usec. Gilbert Cruz na ito ay missing link sa ginawang imbestigasyon ng Senado noong nakaraang taon taon sa mga dokumentong ipinakita ni Alice Guo gaya ng kanyang Philippine passport at birth certificate.
“Sabihin na natin Alice Guo scheme, nagsimula siya sa late registration ng birth certificifate niya kinuha sa Cabanatuan City, then mayroon na siyang certificate of marriage then passport.” Ani Cruz.
Ang natuklasang Philippine birth certificate ng isang foreign national ay galing mismo sa PSA na ipinadala galing sa delivery system nito.
Kaya ang mga nakuhang dokumento at mga ID ay ipasusuri ng PAOCC sa mga ahensiya upang malaman ang authenticity ng mga ito.