Ibajay, Aklan — Apat ang na-ospital sa nangyaring aksidente sa pagitan ng tricycle at van kahapon ng umaga sa national highway ng Brgy. Naisud, Ibajay, Aklan. Ang mga biktima ay kinilalang sina Rudy Nambong, 55-anyos, driver ng tricycle, at mga anak nitong sina Leunnelyn Magluyan, 19-anyos, Jennifer Magluyan, 21-anyos at 2 taong gulang na batang lalaki. Base sa imbestigasyon ng Ibajay PNP, na galing sa Brgy. San Jose, Ibajay ang mga biktima at papuntang Tangalan pero pagdating sa pa kurbadang bahagi ng highway ay umagaw ito sa linya ng van na minamaneho ni Fred Sabino, 54-anyos ng San Miguel, Iloilo na naging dahilan ng salpukan. Lumalabas din sa imbestigasyon na mabilis ang takbo ng tricycle nang mangyari ang aksidente. Dahil sa lakas ng pagkabangga ay nagtamo ng mga sugat at pinasala sa katawan ang mga biktima na patuloy pa ngayong ginagamot sa Aklan Provincial Hospital. Maliban sa apat ay dinala rin sa hospital ang iba pang sakay ng tricycle na sina Jacquelyn Magluyan, live-in partner ng driver at ang 11 at 7 anyos na anak nila pero na refer ito sa out-patient department matapos mabigyan ng paunang lunas. Habang ang driver ng van ay wala namang natamong pinsala sa katawan at wala ring pasahero sa oras na iyon. Sa ngayon ay patuloy pa rin ang imbestigasyon ng Ibajay PNP dito.
Facebook Comments