Vigilante group ni Pangulong Duterte, itinuro ni Senator de Lima na nasa likod ng pagmasaker sa 15 katao sa Ozamiz City

Manila, Philippines – Buo ang paniniwala ni Senator Leila de Lima na ang madugong raid sa bahay ng mga Parojinog sa Ozamiz City ay paraan ng vigilante group ni Pangulong Rodrigo Duterte na tagpasin ang mga dati nilang kasamahan.

Diin ni de Lima, si Pangulong Duterte bilang founder ng pinaka-prominenteng vigilante group sa Mindanao ay malabong mag-isip ng pagpapairal ng rule of law sa bansa.

Ayon kay de Lima, hindi regular na police operations ang raid sa Ozamiz City kundi pag-ulit lang sa Kuratong Baleleng rub out case na naganap noong 1995.


Ang founder ng Kuratong Baleleng ay si Ongkoy Parojinog na ama ni Mayor Reynaldo Aldong Parojinog na isa sa napaslang sa nabanggit na raid sa Ozamis.

Diin ni de Lima, dapat ay natuto na ng leksyon ang mga opisyal ng PNP sa Kuratong Baleleng rub out case noon na hindi matutuldukan ng pagmasaker ang pamamayagpag ng notorious criminal organizations.

Giit ni de Lima, ang dapat ay gawin ng mga pulis ng maayos ang kanilang trabaho ng naaayon sa batas at arestuhin, kasuhan at ilagay sa kulungan ang mga kriminal.

Sabi pa ni Senadora, ang nabanggit na hakbang PNP ay walang pinagkaiba sa krimen na isinasagawa ng Kuratong Baleleng group ng mga Parojinog, Davao Death Squad, Maute Terror Group, Ampatuan Private Army at iba pang komunista o rebeldeng grupo.

Sabi ni de Lima, malinaw sa kasaysayan na lahat ng nabanggit na Mafia groups ay nagsimula para labanan ang lawless elements pero sa bandang huli, ang mga ito ay naging malalaki at notoryus na criminal groups.

“Duterte — the founder of the most prominent vigilante group of Mindanao — as President, rule of law seems to be the last thing that will prevail. Let us not fool ourselves. The massacre of the Parojinog’s is not even street justice. It is the plain and simple extermination of former comrades in the cause of vigilantism who have outlived their relevance, now that one of them has captured State power,” pahayag ni senator de Lima.

Facebook Comments