Friday, November 13, 2026

VP Sara Duterte, isa sa opisyal ng Metro City Chow Foods pero hindi nanghihimasok sa operasyon ng kumpanya

Kinumpirma ng testigo ng depensa na isa sa mga opisyal ng Metro City Chow Foods Corporation si Vice President Sara Duterte.

Sa direct examination ni Atty. Justin Gular ng defense team, inamin ni Corporate Counsel Atty. Suzette Balucanag-Punay, na isa sa mga incorporators ng Metro City Chow Foods si VP Sara na may 20 percent shares, P50,000 subscribed capital, at P12,500 paid up capital.

Batay rin general information sheet ng korporasyon, mula 2022 hanggang 2025 ay member ng Board of Directors at member ng Compensation Committee ng Metro City Chow Foods si Duterte, mga taon na siya ay bise presidente na.

Gayunman, sa kabila ng pagiging opisyal sa korporasyon ni VP Duterte, nilinaw naman ni Balucanag-Punay na walang aktibong papel sa kumpanya ang bise presidente.

Iginiit niya na hindi nangingialam sa mga transaksyon ng board ang bise at sa pagkakaalam niya ay wala rin itong natatanggap na honorarium.

Hindi rin nanghihimasok si Duterte sa pagdedesisyon, operasyon, finances at pangangasiwa ng Metro City Chow.

Dagdag pa ni Balucanag-Punay, hindi dumadalo ng pulong o anumang event sa kumpanya si VP Sara at minsan na rin niyang natanong ang korporasyon kung may epekto ito sa bise at ang sinagot sa kanya operations manager ay wala dahil hindi naman nag-participate si Duterte sa kumpanya.

Facebook Comments