Yamashita treasure at hindi swimming pool ang hinuhukay sa loob ng Bilibid – DOJ Remulla

Inihayag ni Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla na naghahanap ng Yamashita treasure si suspended Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Bantag sa New Bilibid Prison (NBP).

Personal umano itong sinabi ni Bantag sa kanya na naghuhukay ito ng Yamashita treasure sa Bilibid noong Agosto o Setyembre.

Ayon kay Remulla, nakakatawa raw ang ginagawa ni Bantag at pinayuhan pa umano niya ang suspendidong BuCor chief na huwag niya na ito gawin dahil sinasayang lang nito ang oras at pera ng gobyerno.


Sinabihan din daw niya si Bantag na wala siya roon para maghanap ng kayamanan kundi patakbuhin ng tama ang nasabing departamento.

Matatandaan na noong nakaraang linggo ay nadiskubre at isiniwalat ni BuCor Officer-in-Charge Gregorio Catapang Jr., ang naturang hukay na may humigit kumulang 200 metro ang lapad at 30 metro ang lalim.

Nagsimula umano itong hukayin, anim na buwan na ang nakakaraan.

Tumanggi naman mag-bigay ng komento ang abogado ni Bantag na si Atty. Rocky Tomas Balisong patungkol dito.

Facebook Comments