
Nasabat ng mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) ang nasa ₱100 milyon halaga ng ilegal na sigarilyo sa isinagawang operasyon sa DRT Highway, Brgy. Tarcan, Baliwag City, Bulacan, alas-sais kaninang umaga.
Naisagawa ang operasyon matapos makatanggap ang mga operatiba ng impormasyon na mayroong on-going delivery ng mga ilegal na sigarilyo sa nasabing lugar.
Dahil dito, rumesponde agad ang mga awtoridad sa nasabing impormasyon at dito nila naaktuhan ang 19 na mga suspek na naglilipat ng mga kahon ng sigarilyo mula sa container vans patungo sa mga malilit na truck.
Napag-alaman na ang nasabing mga sigarilyo ay walang BIR Tax Stamps patunay na hindi nabayaran ang kaukulang buwis na paglabag sa Tax Reform Act at Graphic Health Warning Law.
Narekober sa lugar ang anim na sasakyan na may kargang mga sigarilyo, halos 2,000 kahon ng sigarilyo na tinatayang nagkakahalaga ng nasa ₱100 milyon.
Kaugnay nito, ayon sa sa mga awtoridad ay nagpapatuloy pa ang imbentaryo sa nasabing mga nakumpiskang ilegal na sigarilyo.
Sa ngayon, ang 19 na akusado at mga nakumpiskang mga ebidensya ay nasa kustodiya ng Regional Special Operations Group 3, Camp Olivas, City of San Fernando, Pampanga para sa dokumentasyon at tamang disposisyon.










