
Cauayan City – Pormal nang inilunsad ng Isabela State University (ISU) at ng Department of Information and Communications Technology (DICT) ang programang Free Wi-Fi for All para sa buong university system.
Layunin ng programa na palawakin ang digital access at bawasan ang kakulangan sa konektibidad sa mga komunidad at institusyon sa lugar.
Ang implementasyon ng programa sa buong ISU System ay naisakatuparan sa tulong ng DICT Region 02 at suporta ng LPGMA Partylist, sa pangunguna ni Hon. Allan U. Ty.
Kabilang sa mga dumalo sa paglulunsad sina Pinky T. Jimenez, DICT Assistant Secretary for Infostructure Management at Concurrent Regional Director ng Region 02, kasama ang mga opisyal ng unibersidad at miyembro ng komunidad ng ISU.
Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Asst. Secretary Jimenez ang ISU community na gamitin nang lubos ang libreng internet na inilalaan ng gobyerno at ipinaalala na ang serbisyong ito ay para sa kanilang pangangailangan.
Samantala, nagpasalamat si Dr. Boyet L. Batang, University President, sa dedikasyon ng DICT na palawakin ang digital access para sa 42,612 mag-aaral ng unibersidad.
Aniya, nawa’y magsilbi ang Free Wi-Fi program bilang tulay sa inobasyon at pag-unlad. Dagdag pa niya, gamitin ito nang responsable sa makabuluhang bagay.
————————————–
Para sa update at iba pang mga balita, bisitahin ang aming facebook page 98.5 iFM Cauayan at ang aming website, www.rmn.ph/985ifmcauayan.
#985ifmcauayan
#idol
#numberone
#ifmnewscauayan










