Sa papalapit na pagdiriwang ng ika-100 Centennial Canonical Coronation of Our Lady of the Rosary of Manaoag sa Abril 22, 2026, inaasahan ng mga manlalako na mas dadami ang kanilang mabebentang produkto, lalo na ang mga religious items tulad ng rebulto, rosaryo, keychain, at kandila.
Maging ang mga manlalako ng religious items sa gilid ng simbahan ay apektado rin ng krisis. Ayon sa kanila, simula noong nakaraang Semana Santa, kakaunti lamang ang mga dumalo at namili ng kanilang paninda dahil sa kasalukuyang sitwasyon.
Dagdag pa rito, bukod sa pahirapang pagbebenta, tumaas din ang presyo ng kanilang inaangkat na mga produkto kaya’t napilitan silang itaas ang presyo ng kanilang mga paninda.
Samantala, mas dinamihan din umano nila ang inaangkat na mga produkto kumpara noong Semana Santa dahil sa inaasahang pagdagsa ng mga turista na nangangahulugan ng mas maraming mamimili.
Kasabay nito, nakikipagtulungan din umano sila sa lokal na pamahalaan para sa maayos na pwesto ng mga nagtitinda, upang matiyak ang kaayusan at kalinisan sa lugar para sa mga darating na bisita at para na rin sa maayos na daloy ng kalakalan.
Sa kabila ng krisis, kitang-kita pa rin kanilang tuwa habang papalapit ang engrandeng selebrasyon ng ika-100 Centennial Canonical Coronation of Our Lady of the Rosary. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










