
Cauayan City – Nabigyan ng bagong pag-asa ang 105 na residente ng Isabela na may problema sa paningin sa pamamagitan ng Sagip Mata, Sagip Buhay Program ni Governor Rodito T. Albano.
Kabilang sa mga nakinabang sa programang ito ang mga residente mula sa Lungsod ng Ilagan at sa mga bayan ng Reina Mercedes, Naguilian, Burgos, Alicia, San Isidro, at Cabagan.
Sa isinagawang aktibidad, sumailalim ang mga benepisyaryo sa libreng pagsusuri ng mata at tumanggap ng libreng salamin upang matugunan ang kanilang pangangailangan sa malinaw na paningin.
Samantala, ang ilan sa kanila ay sasailalim pa sa libreng operasyon sa mata upang muling magkaroon ng mas maayos na paningin at mas magandang kalidad ng buhay.
Ang programang ito ay bahagi ng mga inisyatiba ng pamahalaang panlalawigan upang mapabuti ang kalusugan at kapakanan ng mga Isabeleño, lalo na ang mga walang kakayahang magpagamot ng kanilang kondisyon sa mata.