BANTA NG HEAT-RELATED ILLNESSES SA BJMP DAGUPAN CITY JAIL, PINAGHAHANDAAN NA

Pinaghahandaan na ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) Dagupan Male Dormitory ang posibleng matinding epekto ng El Niño, kasabay ng babala ng PAGASA noong Abril 22 hinggil sa maalinsangang panahon.

Ayon kay Jail Chief Inspector Lito S. Lam-osen sa panayam ng IFM News Dagupan noong Abril 24, 2026, maaga pa lamang ay inihahanda na umano ang mga interbensyon para sa mga Persons Deprived of Liberty (PDLs) laban sa heat-related illnesses.

Ito ay matapos ang mga nakaraang karanasan ng pasilidad hinggil sa mga nagkakasakit dahil sa init ng panahon na inaasahang mas titindi pa nitong Mayo.

Kabilang dito ang mga health information drive sa tulong ng Regional Health Medical Corps (R1MC) kung saan ibinahagi sa ang mga PDLs ang tamang pag-iwas sa summer-borne diseases.

Samantala, isa naman sa binabantayan ang posibleng pagtaas ng congestion rate sa pasilidad na tinatayang nasa mahigit 300 na populasyon sa kasalukuyan.

Dahil dito, nagsasagawa ang ahensya ng pansamantalang pahingaan para sa maayos na bentilasyon at pagpapabilis ng paralegal system para mapaaga ang release sa ilang PDLs.

Ayon sa BJMP, sa kabila ng matinding init ng panahon ay hindi naman umano naaapektuhan sa ngayon ang operasyon ng pasilidad at wala namang naitatalang problema kaugnay ng maalinsangang panahon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments