
Hinikayat ni House Speaker Faustino “Bojie” Dy III ang mga kababaihang mambabatas sa Southeast Asia na itaguyod ang mas malalim at tunay na pamumuno.
Mensahe ito ni Dy sa ikalimang pulong ng Coordinating Committee of Women Parliamentarians of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA).
Ayon kay Dy, hindi sapat ang pag-unlad kung hindi mapaghahandaan ang isang inklusibong ASEAN sa hinaharap kung saan mabibigyan ang mga kababaihan ng oportunidad na mamuno habang magkakaroon ng tsansa ang mga mahihirap na marinig.
Tiwala si Dy na ang mahusay na pamumuno ng mga kababaihan ang nagbibigay ng katatagan sa mga institusyon at pangmatagalang kapayapaan sa Southeast Asia.
Inihalimbawa ni Dy ang National Action Plan on Women, Peace, and Security ng Pilipinas bilang bahagi ng pagsusulong ng inclusive at responsive governance na nakasentro sa mamamayan, at ang mga umiiral na batas ay tumutugon sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang pulong ay isinagawa sa pamamagitan ng video conferencing bilang bahagi ng pagtitipid ng Pilipinas sa harap ng pandaigdigang krisis sa langis.










