
CAUAYAN CITY – Nakakaranas ng pagkalugi ang mga gulay vendors sa Cauayan City dahil sa mabilis na pagkalanta ng gulay dulot ng mainit na panahon.
Sa pakikipanayam ng IFM Newsteam kay Ginang Josena Pascua, isa sa mga gulay vendor sa Cauayan City, sinabi nitong nakakaranas sila ng pagkalugi lalo na sa mga madahong gulay na kanyang paninda.
Dagdag pa niya, calamansi lamang ang pangunahing produkto na ibinibenta nito subalit dahil sa kanyang kagustuhan na madagdagan ang kita, nagdagdag siya ng madadahong gulay na paninda katulad ng Bulaklak ng kalabasa, Kangkong, at iba pa.
Gayunpaman, dahil sa init ng panahon ay madalas na mabilis malanta ang mga ito at minsan ay hindi na naibebenta dahilan ng pagkalugi.
Upang kahit papaano ay hindi naman masayang, kung hindi pang-ulam ay pinapamigay niya nalang ang mga ito sa kanyang mga kaanak.
Sa kabila ng mainit na panahon, nagpapatuloy pa rin sa pagtitinda ang mga sidewalk vendors na katulad ni Ginang Josena dahil ito ang kanilang pangunahing hanapbuhay na pinagkukunan ng pang araw-araw na gastusin.









