Isinagawa noong Abril 29, 2026 ang isang komprehensibong pagsasanay at serye ng mga lektyur na naglalayong palakasin ang kaalaman, kakayahan, at disiplina ng mga kasapi ng Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT) at Barangay Health Workers (BHW) sa Barangay Calomboyan, San Carlos City, Pangasinan.
Nakasentro ang aktibidad sa pagpapalalim ng pag-unawa sa mga tungkulin at responsibilidad ng mga BPAT, kabilang ang wastong pagpapatupad ng kaayusan at kapayapaan sa komunidad. Tinalakay rin ang mahahalagang alituntunin na dapat sundin ng bawat miyembro upang maging epektibo sa kanilang papel bilang tagapagtaguyod ng seguridad sa barangay.
Bukod sa pagsasanay, nagsagawa rin ng information at awareness lecture hinggil sa mahahalagang batas na nagtataguyod ng karapatan at proteksyon ng mamamayan. Kabilang dito ang Safe Spaces Act o Anti-Bastos Law, na naglalayong labanan ang iba’t ibang anyo ng sexual harassment sa pampublikong lugar, at ang Anti-Violence Against Women and Their Children Act, na nagbibigay proteksyon laban sa pang-aabuso sa kababaihan at mga anak.
Tinalakay din sa aktibidad ang mahigpit na pagpapatupad ng mga lokal na ordinansa at direktiba, tulad ng curfew para sa mga menor de edad, regulasyon sa paggamit ng videoke hanggang alas-diyes ng gabi lamang, pagbabawal sa paglabas nang walang pang-itaas sa pampublikong lugar, at ang pagbabawal sa pag-inom ng alak sa gilid ng kalsada.
Layunin ng nasabing aktibidad na hindi lamang mapataas ang kamalayan ng mga kalahok, kundi mapalakas din ang kanilang kakayahang ipatupad ang mga batas at ordinansa nang may kaakibat na responsibilidad at malasakit sa komunidad. Sa pamamagitan nito, inaasahang mas magiging organisado at ligtas ang kapaligiran para sa lahat ng residente. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








