Wednesday, May 27, 2026

𝗔𝗥𝗠𝗦 𝗖𝗔𝗖𝗛𝗘 𝗡𝗚 𝗖𝗧𝗚, 𝗡𝗔𝗥𝗘𝗞𝗢𝗕𝗘𝗥 𝗦𝗔 𝗕𝗘𝗡𝗜𝗧𝗢 𝗦𝗢𝗟𝗜𝗩𝗘𝗡, 𝗜𝗦𝗔𝗕𝗘𝗟𝗔

CAUAYAN CITY- Narekober ng mga awtoridad ang isang arms cache na pinaniniwalaang pagmamay-ari ng Communist Terrorist Group (CTG) sa Purok 6, Barangay Guilingan, Benito Soliven noong ika-25 ng Mayo.

Batay sa ulat, agad na nagsagawa ng operasyon ang Police Regional Office 2 (PRO2) matapos magbigay ng impormasyon ang isang dating rebelde na kinilalang si alyas “Derek.”

Katuwang ang iba’t-ibang yunit ng pulisya, sa isinagawang paghuhukay sa lugar, natagpuan ang isang puting timba na naglalaman ng iba’t ibang kagamitang pandigma at pampasabog.

Kabilang sa mga narekober ang 28.5 metro ng commercial detonating cord, apat na improvised anti-personnel mines, limang blasting caps, 56 na bala ng 7.62mm, isang improvised firing device, isang soldering iron, apat na magazine pouch, at isang puting timba.

Dinala ang mga nakuhang kagamitan sa Headquarters ng 1st Isabela Police Mobile Force Company para sa dokumentasyon at pansamantalang kustodiya, habang ang mga improvised explosive device at military ordnance ay isinailalim sa kaukulang disposisyon ng Isabela Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Unit.

Hinimok naman ng PRO2 ang publiko at mga dating rebelde na makipagtulungan sa mga awtoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng mahahalagang impormasyon para sa tuluyang pagkamit ng kapayapaan sa komunidad.

Facebook Comments