
Pansamantala munang itinigil ang pagpuputol ng mga puno sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Roxas Boulevard sa Maynila.
Ito ang kinumpirma ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa gitna ng mga panawagan at pagbatikos ng iba’t ibang grupo.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni DENR Acting Sec. Mitch Cuna na sinuspinde nila ang pagpuputol upang pag-aralan kung may iba pang mga punong maaaring maisalba sa pamamagitan ng earth-balling.
Ipinaliwanag din ni Cuna na gumagawa muna sila ng masusing pag-aaral para malaman kung may ibang paraan na hindi na maputol ang mga puno.
Sakali naman aniyang hindi pwedeng hindi magpuputol ng puno ay dito papasok ang tinatawag na earth-balling.
Pinagpuputol ang mga puno sa bahagi ng naturang highway para magbigay daan sa itatayong Southern Access Link Expressway (SALEX).
Bago suspendihin, nasa dalawandaang puno na ang pinutol mula sa mahigit 600 na target alisin kabilang ang ilang matatandang puno ng Narra.










