
CAUAYAN CITY- Nakatakdang magbukas ngayong Hunyo 2026 ang kauna-unahang pump track sa buong Cagayan Valley Region at inaasahan ding maging pinakamahabang pump track sa bansa, na magsisilbing bagong sentro para sa cycling at action sports community sa Northern Luzon.
Itatayo ang pasilidad sa bayan ng Echague at tampok dito ang isang napakalawak na 1,800-square-meter pump track, kasama ang hiwalay na kids’ track na idinisenyo para sa mga baguhan at beteranong riders, pati na rin sa mga kabataang nais matutunan ang sport.
Pinangungunahan ang proyekto nina Francis Faustino “Kiko” A. Dy at Faustino “Inno” A. Dy V, na kapwa nagsusulong ng mga programang magbibigay ng mas maraming oportunidad para sa sports at turismo sa rehiyon.
Inaasahan namang magiging pangunahing destinasyon ang bagong pump track para sa mga cyclists, skateboarders, scooter riders, at iba pang action sports enthusiasts mula sa iba’t ibang bahagi ng Northern Luzon at karatig-probinsiya.







