
Cauayan City – Arestado ang isang 60-anyos na lolo matapos ang umano’y pagpapaputok ng baril sa Brgy. Sinippil, Reina Mercedes, Isabela.
Kinilala ang suspek na si alyas “Natoy,”60 anyos, tricycle driver, at residente ng Barangay Nagrumbuan, Cauayan City, Isabela.
Ayon sa ulat, nagsasagawa ng surveillance operation ang mga intelligence operative nang mamataan nila ang suspek na nagpaputok ng hindi pa matukoy na kalibre ng baril sa tabi ng national highway.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang suspek sakay ng kanyang traysikel, ngunit agad rin namang nadakip sa Brgy. Napaccu Grande, Reina. Mercedes, Isabela matapos ang ikinasang hot pursuit operation ng mga pulis.
Sa isinagawang body search, narekober mula sa kanyang pag-iingat ang isang caliber .38 revolver na may apat na live ammunition at dalawang basyo ng bala. Nabigo rin umano ang suspek na magpakita ng anumang dokumento para sa legalidad ng naturang baril.
Bukod dito, nakumpiska rin sa kanyang belt bag ang dalawang sachet ng hinihinalang shabu, isang P500 bill, isang belt bag, at ang tricycle na sinakyan nito.
Nahaharap ngayon ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act 11926 o Illegal Discharge of Firearm, Republic Act 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, at Section 11 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.








