Friday, July 24, 2026

𝗠𝗚𝗔 𝗣𝗟𝗔𝗞𝗔 𝗡𝗚 𝗠𝗚𝗔 𝗝𝗘𝗘𝗣 𝗡𝗔 𝗦𝗔𝗡𝗚𝗞𝗢𝗧 𝗨𝗠𝗔𝗡𝗢 𝗦𝗔 𝗦𝗧𝗥𝗘𝗘𝗧 𝗥𝗔𝗖𝗜𝗡𝗚, 𝗜𝗦𝗜𝗡𝗨𝗞𝗢 𝗦𝗔 𝗟𝗧𝗙𝗥𝗕 𝗥𝗘𝗚𝗜𝗢𝗡 𝟮

CAUAYAN CITY- Isinuko sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 2 ang mga plaka ng mga pampasaherong jeep na sangkot umano sa insidente ng street racing sa Naguilian, Isabela.

Ang pagsuko ng mga plaka ay isinagawa sa pagdinig na pinangunahan ni LTFRB Region 2 Regional Director Atty. Richard G. Dayag bilang bahagi ng pagpapatupad ng suspension order at Show Cause Order na inilabas laban sa mga sangkot na pampasaherong sasakyan.

Ayon sa LTFRB, ang hakbang ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. na tiyakin ang kaligtasan at kapakanan ng publiko, gayundin sa ilalim ng gabay ng Department of Transportation (DOTr) at ng pamunuan ng LTFRB.

Patuloy namang pinaaalalahanan ng LTFRB ang lahat ng public utility vehicle operators at drivers na mahigpit na sumunod sa mga batas trapiko at umiiral na regulasyon upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero at iba pang gumagamit ng kalsada.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng LTFRB kaugnay ng naturang insidente at inaasahang magpapasya ang ahensya batay sa resulta ng isinagawang pagdinig at iba pang ebidensiyang nakalap.

Facebook Comments