
Cauayan City – Nagbuwis ng buhay ang isang sundalo mula Kalinga matapos ang sagupaan sa pagitan ng tropa ng militar at mga natitirang miyembro ng Ilocos Cordillera Regional Committee (ICRC) sa Sitio Ambalag, Barangay Lan-ag, Lacub, Abra noong Hulyo 19.
Kinilala ang nasawi na si Corporal Drexler Gumayat, 34-anyos, miyembro ng 50th Infantry Battalion sa ilalim ng 503rd Infantry Brigade.
Dalawa pa niyang kasamahan ang nasugatan at agad na isinugod sa pagamutan.
Ayon sa militar, nakasagupa ng mga sundalo ang tinatayang 10 armadong miyembro ng ICRC habang nagsasagawa ng combat operations.
Matapos ang bakbakan ay umatras ang armadong grupo, dahilan upang magsagawa ng pursuit operations ang mga tropa.
Kinabukasan, muli umanong nakasagupa ng militar ang tumatakas na mga rebelde sa Sitio Mapuser, Barangay Apao, Tineg, Abra.
Isang hinihinalang miyembro ng ICRC ang napatay sa ikalawang engkuwentro habang nagpapatuloy ang clearing at pagtugis ng mga sundalo sa lugar.
Nagpahayag ng pakikiramay si 5th Infantry Division Commander Major General Gulliver L. Señires sa pamilya ni Corporal Gumayat at kinilala ang kanyang kabayanihan sa pagtatanggol sa kapayapaan.
Matapos ang military honors sa Abra, iniuwi ang kanyang labi sa Tabuk City, Kalinga noong Hulyo 21, kung saan sinalubong siya ng kanyang pamilya, mga kasamahang sundalo, at komunidad.
Naiwan naman ni Corporal Gumayat ang kanyang asawa at tatlong anak.










