Friday, July 24, 2026

𝗠𝗔𝗚𝗦𝗔𝗦𝗔𝗞𝗔, 𝗠𝗔𝗦𝗪𝗘𝗥𝗧𝗘𝗡𝗚 𝗡𝗔𝗞𝗔𝗟𝗜𝗚𝗧𝗔𝗦 𝗠𝗔𝗧𝗔𝗣𝗢𝗦 𝗡𝗔 𝗣𝗔𝗟𝗔𝗞𝗨𝗟𝗜𝗡 𝗦𝗔 𝗜𝗟𝗔𝗚𝗔𝗡 𝗖𝗜𝗧𝗬

Cauayan City – Maswerteng nakaligtas ang isang 44-anyos na magsasaka matapos itong pagtatagain gamit ang palakol sa loob mismo ng kanyang tahanan sa Brgy. Sta. Isabel Norte, City of Ilagan.

Kinilala ang biktima na si alyas “Ric”, habang ang suspek naman ay isang 32-anyos na construction worker na si alyas “Jim”.

Sa ulat mula sa Ilagan City Police Station, mahimbing na natutulog ang biktima sa loob ng kanyang bahay nang bigla na lamang umano siyang pinasok ng suspek at saka pinagtataga gamit ang palakol.

Nagdulot naman ito ng maraming sugat sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ng biktima dahilan upang dalhin siya sa pagamutan upang lapatan ng agarang lunas.

Kaagad namang naaresto ng mga rumespondeng pulis ang suspek. Ayon sa kanilang paunang imbestigasyon, personal na alitan umano ang dahilan ng pananaga nito sa biktima.

Base sa kumakalat na alegasyon, ang biktima at ang misis ng suspek ay mayroon umanong relasyon. Gayunman, ito ay nananatiling haka-haka lamang at hindi pa napapatunayan.

Patuloy pa rin ang pangangalap ng impormasyon at ebidensiya ng kapulisan upang matukoy ang tunay na motibo ng suspek na makatutulong sa paglutas ng insidente.

Sa kasalukuyan, nasa kustodiya na ng Ilagan City Police Station ang suspek na mahaharap sa kasong Frustrated Homicide.

Hinimok ng Ilagan City Police Station ang publiko na umiwas sa pagpapalaganap ng mga hindi beripikadong impormasyon at bigyang-daan ang wastong proseso ng imbestigasyon at batas.

Binigyang-diin din ng kapulisan na ng anumang hindi pagkakaunawaan ay dapat idaan sa mapayapa at legal na paraan at hindi sa karahasan.

Facebook Comments