5 mandurukot, huli sa hot pursuit operation ng QCPD

Arestado ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang limang suspek sa pandurukot sa Brgy. South Triangle, Quezon City.

Kinilala ang mga suspek na sina Emilio Delfin III, 40-anyos; Jhon Mark Gavina Jr, 33-anyos; Renante Pabuena, 40-anyos; Jomari Nadayao, 24-anyos; at Aries Labuca, 40-anyos.

Ayon sa Tactical Motorcycle Rider Unit (TMRU) ng Kamuning Police Station 10, nagpanggap na mga pasahero ng bus ang mga suspek at pasimpleng dinukot ang cellphone ng mga biktimang sina Nadine Santileces at Bryan Bataan.


Naaktuhan pa ni Santileces ang pandurukot at nang kokomprontahin ay agad na bumaba ang mga suspek sabay takbo papuntang East Avenue.

Nagsumbong sa mga awtoridad ang biktima na agad namang nagkasa ng hot pursuit operation.

Naabutan ng TMRU Patrollers sa bahagi ng PLDT East Avenue ang mga suspek na positibong kinilala ng biktima.

Narekober sa mga ito ang apat na cellphone kabilang ang unit na dinukot kay Santiceles.

Sinampahan na ng kasong theft ang mga suspek.

Facebook Comments