Friday, November 27, 2026

NLAP, nanawagan sa DOE na huwag ipilit ang LPG swapping center kung maaapektuhan ang mga konsyumer

Todo panawagan si National LPG Alliance of the Philippines o NLAP President Jose “Jojo” Cruz sa Department of Energy o DOE na huwag ipilit ang pagpapatupad ng panuntunan sa LPG Cylinder Swapping Centers kung ang magiging resulta nito ay pagdurusa ng mga consumer.

Sa isinagawang public consultation ng DOE-OIMB, sinabi ni Cruz kay DOE Director Rino Abad na hindi dapat pairalin ang isang polisiya para lamang masunod ang batas kung maaapektuhan naman ang kapakanan ng taumbayan.

Mariin ding tinutulan ng NLAP at iba pang independent LPG dealers at stakeholders ang panukalang ang mga marketers ang mamahala sa swapping centers.

Anila, mas nararapat na gobyerno ang mangasiwa rito upang maiwasan ang conflict of interest at maprotektahan ang mga mamimili.

Hiniling din ni Cruz sa Kongreso na amyendahan ang umiiral na batas upang mabigyan ng sapat na proteksyon ang mga independent LPG players at maiwasan ang monopolyo sa industriya.

Nagbabala rin ang NLAP na handa silang magsampa ng kaso sa Korte Suprema sakaling payagan ng DOE ang mga marketers na magpatakbo ng LPG swapping centers.

Samantala, sinabi rin ni Volunteers Against Crime and Corruption o VACC President Boy Evangelista na dapat nang repasuhin at amiyendahan ng Kongreso ang naturang batas kasunod ng pagtutol na inihayag ng iba’t ibang stakeholders sa public consultation.

Facebook Comments