Nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Department of Justice (DOJ) at ang National Bureau of Investigation (NBI) sa nangyaring operasyon ng pulisya noong June 18 na ikinamatay ng pitong tauhan ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Maguindanao del Sur.
Sa pagbisita sa Camp Siongco sa Maguindanao del Norte, inihayag nina Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity Secretary Carlito Galvez Jr. at Special Assistant to the President Secretary Anton Lagdameo Jr. na ipaabot kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang hiling ng MILF leaders na magsagawa ng independent at impartial investigation.
Ayon kay Galvez, dapat magkaroon ng patas na imbestigasyon sa insidente.
Ikinukonsidera rin anya ng gobyerno ang rekomendasyon na ibalik ang third-party monitoring teams.
Suhestyon naman ng opisyal sa liderato ng Armed Force of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na gumawa ng official reports at padalhan si Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Chief Minister Ahod Balawag Ebrahim.
Inirekomemda ng mga opisyal ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na ibalik ang International Monitoring Team (IMT) na binubuo ng mga dayuhang peacekeepers para matiyak na maipatutupad ang ceasefire agreement.
Umalis na sa Mindanao ang IMT na binubuo ng 60 peacekeepers pagkatapos ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.