Kung magkakaroon ng pagkakataon ay hihilingin ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na sertipikahan ang inihain niyang death penalty bill bilang urgent measure at isama sa listahan ng prayoridad na gagawing batas ng administrasyon.
Kaugnay nito ay handa si Dela rosa na ipaliwanag kay PBBM kung bakit kailangang isabatas ang parusang kamatayan para sa mga big time na drug trafficker o drug lord.
Sa inihaing panukala ni Dela Rosa ay bibitayin sa pamamagitan ng lethal injection ang mapatutunayang big time drug trafficker.
Giit ni Dela Rosa, kailangan silang parusahan ng kamatayan dahil kahit nakakulong ay nagpapatuloy sila ng transaksyon kaya hindi nasasawata ang operasyon ng ilegal na droga sa bansa.
Binanggit ni Dela Rosa na noong siya ang pinuno ng Bureau of Corrections (BuCor) ay umamin ang mga nakabilanggong drug lords na patuloy ang kanilang gawain dahil hindi sila natatakot bunga ng kawalan natin ng parusang kamatayan.