2 nagsusuplay ng gamot na pampalaglag sa Quiapo Maynila, arestado

Nadakip ng mga tauhan ng District Intelligence Division (DID) ng Manila Police District (MPD) ang dalawang babae na supplier ng cytotec o isang uri ng gamot na pampalaglag sa Quiapo, Maynila.

Nakilala ang dalawa na sina Miriam Dela Cruz, 70-anyos, dating barangay kagawad; at Desiree Ciraco, 37-anyos na kapwa residente ng Serrano St, 6th Ave, Caloocan City.

Nasakote sila sa ikinasang follow up operation makaraang makatanggap ng impormasyon ang mga pulis hinggil sa pagsusuplay ng dalawa ng cytotec tablet.


Matatandaan na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbenta, paggamit, at pagsusuplay ng naturang gamot sa bansa kung kaya’t inaalam na kung sana nakuha ng mga suspek ang mga gamot pampalaglag.

Nakumpiska sa kanila ang tatlong blister pack ng cytotec kung saan nahaharap sila sa paglabag sa R.A 9711 (Food and Drug Administration Act of 2009).

Facebook Comments