
Mariing iginiit ni Gabriela Women’s Party Representative Sarah Elago na hindi dapat iasa sa boluntaryong ambag ng mamamayan ang pagbabayad sa ₱19.66 trillion na pambansang utang.
Sa isang pahayag, sinabi ng mambabatas na kahit nagbabayad ng buwis ang ordinaryong mamamayan ay nararanasan pa rin nila ang pagpila nang napakahaba para makakuha ng ayuda at medical assistance, kakulangan ng pondo at pasilidad sa mga pampublikong ospital, at kawalan ng disenteng pabahay at trabaho.
Dahil dito, mas kailangan umanong pagtuunan ng pansin, kung bakit patuloy pa ring nangungutang ang gobyerno at umabot pa sa ₱19.66 trillion gayung hindi naman ito nararamdaman sa natatanggap na serbisyo, saan ito ginagastos, at kung napapakinabangan ba ito ng mamamayan.
Dagdag pa rito, imbes umanong umasa sa donasyon ay mas maiging tiyakin ang transparency at pananagutan sa paggamit ng mga inutang na pondo, buwagin ang mga regresibong buwis na nagpapabigat sa gastusin ng ordinaryong mamamayan, tulad ng 12% value-added tax, at iba pa.
Binigyang-diin pa ng mambabatas, na hindi ang mamamayan, kundi ang gobyerno ang may malaking utang na kailangang bayaran sa mamamayan.










