23 AGRI-ECO-TOURISM BOOTH, TAMPOK SA BAMBANTI FESTIVAL 2025

CAUAYAN CITY – Opisyal nang binuksan sa publiko ang Bambanti Village ngayong araw ika-20 ng Enero bilang bahagi ng makulay na selebrasyon ng Bambanti Festival 2025 sa Lungsod ng Ilagan.

Dinaluhan ng mga opisyal mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela at Department of Tourism (DOT) Region 2, sa pangunguna ni Director Troy Alexander Miano, ang makabuluhang pagbubukas ng festival na nagtatampok ng kasaysayan at kultura ng lalawigan.

Isa sa mga tampok ng Bambanti Village ay ang 23 agri-eco-tourism booths na nilahukan ng iba’t ibang bayan at lungsod ng Isabela.


Ang bawat booth ay nagpapakita ng malikhaing disenyo at natatanging konsepto upang maipagmalaki ang mga pangunahing produkto tulad ng mais, palay, gulay, at iba pang agrikultural na yaman ng munisipalidad.

Inaasahan ang masiglang kompetisyon para sa final judging ng agri-eco-tourism booths at ng mga Giant Bambanti sa darating na ika-24 ng Enero, na siyang magbibigay ng parangal sa mga pinakamagagandang presentasyon.

Ang Bambanti Festival ay hindi lamang selebrasyon ng agrikultura at turismo kundi isang patunay ng pagkakaisa at pagkamalikhain ng mga mamamayan ng Isabela, na patuloy na humuhubog sa yaman ng kanilang kultura at tradisyon.

Facebook Comments