39-ANYOS NA LALAKI, ARESTADO SA BUY-BUST OPERATION SA STA. BARBARA, PANGASINAN

Arestado ang isang 39-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation ng Drug Enforcement Team (DET) ng Sta. Barbara Police Station sa Barangay Nilombot, Sta. Barbara, Pangasinan, dakong alas-4:30 ng hapon noong Oktubre 19, 2026.

Pinangunahan ang operasyon sa ilalim ng direktang pangangasiwa ni PLTCOL Michael S. Datuin, hepe ng Sta. Barbara Police Station, sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Region 1. Isinagawa ito sa ilalim ng Pre-Operations Control Number 1-00-10192026-016.

Batay sa ulat ng pulisya, naaresto ang suspek matapos umanong magbenta ng isang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng puting mala-kristal na substansiyang hinihinalang shabu kapalit ng isang tunay na ₱500 bill na ginamit bilang buy-bust money.

Sa isinagawang body search, nakumpiska rin umano mula sa suspek ang dalawa pang sachet na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga.

Tinatayang nasa 1.5 gramo ang kabuuang timbang ng mga nakumpiskang hinihinalang shabu, na may tinatayang street value na ₱10,200.

Ayon sa ulat, wastong idinokumento ang mga nakumpiskang ebidensiya alinsunod sa itinakdang proseso at sa presensiya ng mga insulating witness.

Dinala ang suspek sa himpilan ng pulisya para sa karagdagang dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Isasailalim din sa laboratory examination ang mga nakumpiskang ebidensiya, habang sasailalim naman sa drug testing ang suspek sa Urdaneta City Satellite Forensic Office. Sumailalim din siya sa medical examination sa Mapandan Community Hospital.

Patuloy naman ang Sta. Barbara Police Station sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa ilegal na droga bilang bahagi ng kanilang pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan, kaayusan, at kaligtasan ng publiko.

Ang suspek ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napapatunayang nagkasala sa ilalim ng batas. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments