Tinalakay sa isinagawang courtesy call kasama ang mga kinatawan ng Bonuan Boquig ang mga panukalang pagpapaunlad ng mga kalsada at drainage system sa iba’t ibang sitio ng lugar.
Kabilang sa mga proyektong natapos na ang Portland Cement Concrete Pavement (PCCP) at drainage sa Sta. Maria Street na nagkakahalaga ng ₱13 milyon, Pasiliao na may ₱5 milyon, at Don Severino na may ₱3 milyon.
Samantala, nakabinbin naman para sa 2026 ang proyekto sa Ayusip. Ayon sa inilatag na impormasyon, maaari itong simulan anumang oras, subalit kailangan munang matugunan ang usapin sa elevation ng lugar.
Para naman sa 2027, kabilang sa mga nakatakdang proyekto ang pagpapasemento ng kalsada sa Lomboy na may pondong ₱5 milyon, gayundin ang drainage project mula Gonzales patungong Dupax Creek, na may outlet sa Tanap River.
Tinalakay rin ang planong PCCP at drainage sa Ayusip patungong Melendez Creek Sitio, na isusulong sa pamamagitan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at ni Manay Gina De Venecia.
Bukod sa mga proyektong pang-imprastraktura, inihain din ang kahilingan na mag-backfill sa pampublikong sementeryo bilang paghahanda sa paggunita ng Undas o All Saints’ Day.
Nabanggit din ang usapin hinggil sa signage sa Maramba, partikular sa Longos Street.
Inaasahang makatutulong ang mga proyektong ito sa pagpapabuti ng daloy ng trapiko, drainage system, at pangkalahatang kondisyon ng mga kalsada sa Bonuan Boquig. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










