Nakapagtala ang Taiwan nitong Martes ng limang panibagong kaso ng coronavirus disease, kung saan apat ang may travel history sa Pilipinas.
Sa ulat ng Taiwan News, tinukoy ng Ministry of Health and Welfare (MOHW) ang apat bilang cases 463, 465, 466, at 467, habang ang isa pa ay mula naman sa Hong Kong.
Ayon sa MOHW, si case 463 ay 50-anyos lalaking nagtrabaho sa Pinas noong Marso at nagkaroon ng sintomas ng COVID-19 nitong Hulyo 21.
Si 465 ay 30-anyos lalaking nagtrabaho rin dito sa bansa at nakaranas ng kakaibang pang-amoy at panlasa noong Hunyo 19, ngunit nagnegatibo noong una sa rapid test.
Mag-asawa naman sina cases 466 at 467 na nasa edad 70 at napag-alamang bumisita sa mga kaanak sa Pinas noong Enero.
Dumating umano sa Taiwan ang apat mula sa iisang flight noong Hulyo 26.
Nagsasagawa na ng contact tracing ang awtoridad at nasa isolation facility na rin ang mga bagong imported cases.