4 patay kabilang ang barangay kapitan, 7 sugatan sa pagsabog ng dinamita sa Balud, Masbate

Nasawi ang apat na residente ng Brgy. Pajo, Balud, Masbate habang sugatan ang pito pa matapos na masabugan ng dinamita.

Sa ulat ni Philippine National Police (PNP) Region 6 Regional Director BGen. Jonnel Estomo, nakatanggap ng tawag ang mga tauhan ng Masbate PNP sa nangyaring pagsabog ng dinamita kaya agad silang rumesponde.

Sa imbestigasyon, pasado ala-una ng hapon kanina nang mangyari ang malakas na pagsabog mula sa bahay ng mismong kapitan ng barangay na kinilalang si Lina Recto na kabilang sa mga nasawi.


Sunog naman ang katawan at halos hindi na makilala ang tatlo pang namatay na kinilalang sina Mac-Mac dela Cruz; Ronelyn Bulala y Banez; at Aisa Sese.

Isinugod naman sa Balud Municipal Hospital ang pitong mga nasugatan sa pagsabog ng dinamita.

Ang dinamita ay kadalasang ginagamit sa iligal na pangingisda na mahigpit na ipinagbabawal ng mga awtoridad.

Ang mga pangunahing sangkap nito ay ammonium nitrate, isang kemikal na nakakasira sa yamang dagat.

Facebook Comments