Thursday, April 16, 2026

LCF, nanawagan sa mga negosyo na gawing strategy ang CSR programs sa gitna ng krisis sa langis

Nanawagan ang League of Corporate Foundations (LCF) sa mga negosyante na gawing pangmatagalang strategy ang kanilang corporate social responsibility (CSR) programs kasabay ng ika-30 anibersaryo nito.

Sa isang press launch ngayong araw, inanunsyo ng LCF ang tema ng 2026 CSR Conference and Expo: “Adapt. Align. Accelerate.”

Layunin nitong hikayatin ang mga kumpanya na iangkop ang kanilang mga programa sa nagbabagong panahon, iayon sa tunay na pangangailangan ng komunidad, at pabilisin ang epekto ng kanilang mga proyekto.

Ayon kay LCF Chairperson Shem Jose Garcia, mas mahalaga ngayon na ang mga programa ay may malinaw na layunin, pangmatagalang epekto, at tunay na tumutugon sa mga suliranin ng lipunan.

Binigyang-diin din ng LCF ang pangangailangan ng pagtutulungan ng iba’t ibang sektor upang harapin ang mga hamon tulad ng pagtaas ng gastusin, krisis sa enerhiya, kalamidad, at kahirapan.

Gaganapin ang CSR Conference and Expo sa Hulyo 1 hanggang 2 sa Bayanihan Center sa Pasig, kasabay ng CSR Week 2026.

Samantala, pararangalan sa naturang event ang mga natatanging proyekto sa pamamagitan ng Guild Awards at Medal of Recognition sa iba’t ibang larangan gaya ng edukasyon, kalusugan, kapaligiran, at disaster resilience.

Sa kabuuan, iginiit ng LCF na panahon na upang iangat ang antas ng corporate social responsibility sa bansa mula sa simpleng pagtulong tungo sa makabuluhang pagbabago.

Facebook Comments