Magpapatayo ang Department of Agriculture (DA) at Bureau of Plant Industry (BPI) ng anim na cold storage facilities sa mga onion-producing region ng bansa.
Kaugnay na rin ito sa reklamo ng ilang mga magsasaka sa ginanap na pagdinig sa Senado kung saan wala na silang magamit na cold storage facility para pagimbakan ng mga aning sibuyas dahil ito ay nakareserba na sa mga trader.
Sa pagtatanong ni Senator Nancy Binay kay BPI Officer-in-Charge (OIC) Director Gerald Panganiban, sinabi ng opisyal na anim na cold storage facilities ang itatayo sa Regions 1, 2, 3 at 4-B para sa taong 2023.
Ayon kay Panganiban, mayroon itong kabuuang pondo na aabot sa P240 million o P40 million na alokasyon para sa bawat storage facilities na may 20,000 bags na capacity.
Inusisa rin ni Binay si Panganiban kung nache-check ba ng BPI kung may mga private trader na nagrerenta ng cold storage facilities na para sana sa mga magsasaka pero tugon ni Panganiban ipapasilip pa niya ito.
Aniya, mayroon silang polisiya kung saan may ‘memorandum of understanding’ sila sa pagitan ng mga Farmers Cooperatives and Association (FCA) at sa mga magsasaka na dapat makinabang sa pasilidad.
Pero naunang iginiit ni Committee on Agriculture and Food Chairman Senator Cynthia Villar na minsan nilang dinalaw ni dating Agriculture Secretary Proceso Alcala ang lalawigan ng Nueva Ecija at mismong sila ay nakita na ang cold storage facility doon ay hindi pinapagamit sa mga magsasaka at ito ay nakareserba at kontrolado ng mga trader.