
Ligtas nang nakabalik sa bansa ang anim na Pilipinong marino ng M/V Grace Romavictor kagabi, September 6, matapos makaalis mula sa high-risk area ng Black Sea sa gitna ng sigalot ng Russia at Ukraine.
Sinalubong ng Overseas Workers Welfare Administration, Department of Migrant Workers, at MIAA Medical Team ang mga marino sa kanilang pagdating sa NAIA Terminal 3 sakay ng Etihad Airways.
Ayon sa OWWA, pinagkalooban ang mga nakauwing seafarers ng airport processing, medical assistance, welfare support, at paunang tulong pinansyal kasama ang kani-kanilang Licensed Manning Agency.
Tiniyak din ng pamahalaan na magpapatuloy ang tulong at reintegration services sa pamamagitan ng OWWA Regional Welfare Offices kapag nakauwi na ang mga ito sa kani-kanilang mga lalawigan.










