Pumalo na sa 75.74% ang bilang ng Higher Education Institution (HEI) personnel ang bakunado na laban sa COVID-19.
Ito ang inihayag ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero de Vera sa briefing na ginawa ng Committee on Higher and Technical Education kaugnay sa ipapatupad na face-to-face classes sa lahat ng degree programs sa HEIs sa ilalim ng Alert Level 2.
Sa presentasyon ni De Vera, hanggang nitong November 4, aabot na sa 204, 692 HEI personnel ang nabakunahan na mula sa kabuuang bilang na 270,246 HEIs.
Magkagayunman, mababa pa rin ang mga tertiary student na nabakunahan na kontra COVID-19 na nasa 29.60% lamang o 1.149 million sa kabuuang 3.883 million na mga mag-aaral sa kolehiyo.
Bunsod nito ay hindi naman papayagan sa ilalim ng Alert Level 2 ang mga estudyanteng hindi pa bakunado na makadalo sa face-to-face classes.
Tanging fully-vaccinated na HEI personnel at mga mag-aaral ang papayagan sa 50% na indoor venue capacity sa mga campus.