Sa privilege speech sa Sangguniang Panlalawigan, binigyang-diin ang reklamo ng mga residente na tatlong taon nang nakararanas ng hindi tuloy-tuloy na serbisyo ng tubig, sa kabila ng patuloy na billing at multa ng water utility.
Ipinunto rin ang umano’y full billing kahit limitado ang serbisyo at kakulangan ng maayos na abiso tuwing may water interruption, na nagdudulot ng aberya sa mga kabahayan.
Iginiit din ang Public Trust Doctrine at Water Code of the Philippines na nagsasaad na ang tubig ay pampublikong yaman na dapat pinamamahalaan nang may pananagutan at tamang pamantayan ng serbisyo. Dahil dito, inirefer sa Committee on Public Works and Utilities ang usapin para sa karagdagang pag-aaral.
Sa mga sumunod na committee hearings, tinalakay ang pangangailangang magsagawa ng feasibility study bago ang mga proyekto ng water utility, kabilang ang tamang pagtutugma ng suplay at bilang ng konsyumer. Tinuligsa rin ang mungkahing kusang magpatanggal ng serbisyo ang mga hindi nasisiyahang customer.
Iminungkahi rin ang pansamantalang suspensyon ng singil sa tubig hanggang sa maibalik ang maayos na serbisyo.
Patuloy ang panawagan ng mga residente para sa agarang solusyon sa krisis sa tubig sa Agoo at Aringay.







