Abogado ni Vice Mayor Paolo Duterte, iginiit na hindi dapat patulan ang mga alegasyon ni Senator Trillanes

Manila, Philippines – Iginiit ng abogado ni Presidential Son Paolo Duterte na hindi dapat patulan ang laro, propaganda, at mga alegasyong walang basehan ni Senator Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Atty. Rainier Madrid, pinayuhan niya si Vice Mayor Paolo na huwag magpauto kay Senator Trillanes sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanyang tattoo sa likod.

Sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon ukol sa mga anumalya sa Bureau of Customs ay ibinunyag ni Trillanes na may tattoo ng dragon sa likod si Pulong na patunay na miyembro umano ito ng triad o Transnational Criminal Organization.


Hamon ni Trillanes kay Vice Mayor Pulong, ipakita o pakunan ng larawan ang nasabing tattoo at ipasuri sa united States Drug Enforcement Agency para ma-decode ito at matukoy kung saang faction ng triad siya kasama.

Pero giit ni Atty. Madrid, walang masama sa pagkakaroon ng tattoo dahil uso naman talaga ito lalo na sa mga kabataan at maging sa mga taga-Hollywood.

Nagpasaring pa si Atty. Madrid na baka bading umano si Senator Trillanes kaya pinipilit nitong makita ang katawan ni Pulong.

Facebook Comments