Saturday, June 27, 2026

Opisyal ng CBCP umapela sa Ombudsman at Sandiganbayan na panagutin ang lahat ng mga sangkot sa korapsiyon

‘No one is above the law.’

Ito ang binigyang-diin ng isang opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa gitna ng mga kaso laban sa ilang opisyal ng pamahalaan na may kaugnayan sa korapsiyon at accountability.

Partikular ito sa kinakaharap na mga impeachment case ni Vice President Sara Duterte at mga kaso ng ilang senador.

Sa isang pahayag, sinabi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo na walang sinuman ang dapat maging exempted sa pananagutan anuman ang posisyon, impluwensya o partidong kinabibilangan.

Kaugnay nito, nanawagan si Bagaforo sa mga ahensyang gaya ng Office of the Ombudsman at Sandiganbayan na ipagpatuloy ang masusing pag-usig sa mga kasong may sapat na basehan sa ilalim ng batas.

Ayon sa obispo, mas mataas ang moral at legal na pananagutan ng mga opisyal na may hawak na kapangyarihan at tiwala ng publiko.

Nawawalan aniya ng saysay ang rule of law kung may special treatment sa mga makapangyarihan at may koneksyon sa pulitika.

Samantala, hinimok din ng obispo ang mga opisyal na pairalin ang delicadeza at pananagutan kapag nasasangkot sa mga gawaing taliwas sa dignidad ng kanilang sinumpaang tungkulin.

Facebook Comments