
Ikinalugod ni Deputy Minority Leader and ACT Teachers Party-list Representative Antonio Tinio ang pagkakasa ng Department of Education (DepEd) ng active shooter drills sa mga paaralan.
Pero giit ni Tinio, hindi ito sapat para mahadlangan ang mga karahasan sa mga paaralan hangga’t hindi nareresolba ang mga problema na ugat ng ganitong klaseng mga insidente.
Sang-ayon si Tinio na kailangan ng mga estudyante at guro ng emergency response skills pero tinukoy niya na dapat ding resolbahin agad ang kakulangan sa budget sa sektor ng edukasyon, ang kakulangan ng guro, at limitadong mental health support.
Ayon kay Tinio, ang mga suliraning ito ang nakakapinsala sa kakayahan ng sistema na protektahan ang mga mag-aaral at guro.
Dagdag pa ni Tinio, ang mga eskwelahan ay dapat manatiling totoong lugar ng kapayapaan at hindi lugar kung saan regular na mag-didrill para sa active shooter habang nananatiling hindi nalulutas ang mga problema na siyang sanhi ng mga karahasan.










