
Inanunsyo na ni Agri Party-list Rep. Manoy Wilbert Lee ang kaniyang pag-atras sa kandidatura sa pagkasenador.
Ito’y tatlong buwan bago ang halalan sa 2025 midterm elections at isang araw bago naman ang pagsisimula ng kampanya para sa national position.
Ayon kay Lee, nagdesisyon siyang umatras dahil sa kakulangan ng makinarya at kahandaan o oras sa pagtakbo sa mas mataas na posisyon.
Paliwanag pa ng kongresista, hindi rin niya naaabot ang ibang lugar sa bansa para ipaalam ang kaniyang pagtakbo kung saan ang iba ay hindi pa nalalaman ang kaniyang adbokasiya sa kalusugan at kabuhayan.
Magkaganoon pa man, desidido pa rin si Lee na magpatuloy sa serbisyo bilang kinatawan ng nasabing party-list para matugunan ang mga pangangailangan ng publiko partikular ang mga nasa sektor ng agrikultura.