Angkas may patama sa gusto ng ‘sabay-sabay’

Image via Angkas

Maikli pero malalim ang banat ng motorcycle ride-hailing app na Angkas kaugnay sa isyu ng “sabay-sabay” na kumakalat ngayon sa internet.

“Bakit kasi sabay-sabay ha? Dito sa Angkas, one-at-a-time lang lagi ang sakay,” mensahe ng Angkas sa kanilang official Twitter account.


Hindi man diretsong binanggit kung sino ang pinatatamaan, paniwala ng mga netizens patungkol ito sa isyu ng Grab Philippines.

Nitong Martes, binatikos ng netizens ang transport vehicle network service dahil sa pagsakay nila sa isyung kinasasangkutan ngayon nina Bea Alonzo, Gerald Anderson, at Julia Barretto.

Sa Facebook post na tinanggal ng Grab, makikita ang mga personalidad na dating nobya at umano’y na-link kay Gerald.

Giit ng nakararami, hindi dapat kinukunsinti ang sabay-sabay na pakikipagrelasyon sa mga kababaihan.

Dagdag pa nila, maling sumakay sa kontrobersiya lalo na at may taong masasagasaan.

Humingi rin agad ng paumanhin ang sikat na ride-hailing app sa kanilang pinaskil.

“We apologize for running the light! We were in no way encouraging nor condoning disrespect for women and disrespect within relationships,” pahayag ng Grab Philippines sa kanilang Facebook post.

 

Ayon pa sa Grab, hinahangaan nila ang pagmamahal at tiwalang ibinubuhos ng fans sa mga aktres na ginamit sa nasabing promotion.

Samantala, dinaan sa biro ng ilang social media users ang kanilang pag sang-ayon sa patama ng Angkas.

Mungkahi naman ng iba, huwag na silang sumali pa sa kontrobersiya.

Facebook Comments