APAT NA HIGH-VALUE DRUG PERSONALITIES, ARESTADO SA PAGBUWAG SA UMANO’Y DRUG DEN SA SAN JUAN, LA UNION; ₱242K HALAGA NG SHABU, NASAMSAM

Apat na hinihinalang sangkot sa ilegal na droga, kabilang ang dalawang umano’y nagpapatakbo ng drug den, ang naaresto sa ikinasang operasyon ng mga awtoridad sa isang beach club sa Barangay Panicsican, San Juan, La Union, nitong Nobyembre 17, 2026.

Isinagawa ang operasyon sa bisa ng search warrant na inilabas ng korte at pinangunahan ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA Region 1 Regional Special Enforcement Team, katuwang ang iba’t ibang yunit ng PDEA, National Bureau of Investigation o NBI, La Union Provincial Police at San Juan Municipal Police Station.

Kabilang sa mga naaresto ang dalawang babaeng umano’y nagpapanatili at nagpapatakbo ng naturang drug den na kapwa residente ng nasabing barangay.

Nadakip din ang dalawang bisita.

Nasamsam sa operasyon ang 11 heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman umano ng shabu na may timbang na humigit-kumulang 35.6 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng 242-libong piso.

Nakumpiska rin ang iba’t ibang drug paraphernalia at isang cellular phone na pinaniniwalaang ginagamit sa mga transaksiyon ng ilegal na droga.

Ayon kay PDEA Region 1 Regional Director Julius M. Paderes, patuloy ang kanilang kampanya laban sa mga drug den sa rehiyon sa pamamagitan ng pinaigting na koordinasyon sa mga korte at iba pang law enforcement agencies.

Binigyang-diin din nito na hindi bibigyan ng ligtas na lugar ang mga sindikato ng droga na nagdudulot ng panganib sa mga pamilya at komunidad.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng PDEA Region 1 ang apat na suspek at mahaharap sa mga kasong paglabag sa Sections 6, 7, 11, 12 at 15 ng Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments