Nabisto ng awtoridad ang ilegal na droga at baril sa sasakyan ng maglive-in partner na pinara sa checkpoint, bandang alas tres ng madaling araw noong Linggo, Abril 12, sa Brgy. Poblacion, Sta. Barbara, Pangasinan.
Ayon sa ulat ng pulisya, mula sa Malasiqui ang mga suspek at patungong Dagupan City nang madaanan ang checkpoint operation sa Sta. Barbara. Sa isinagawang inspeksyon, napansin ng mga tauhan ang isang disassembled na baril at mga bala sa loob ng sasakyan na lantad at kitang-kita mula sa labas.
Nang hingan ng mga dokumento, nabigo ang mga sakay na magpakita ng kaukulang lisensya at permit para sa pagmamay-ari at pagbiyahe ng armas, na naging dahilan ng kanilang agarang pag-aresto.
Kasunod nito, isinagawa ang masusing paghahalughog sa sasakyan na nagresulta sa pagkakakumpiska ng isang sachet ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P3,740, at isa pang sachet na may bakas ng naturang droga.
Bukod sa droga at baril, nakumpiska rin ang iba’t ibang ebidensya tulad ng mga bala, magasin, gamit sa droga, mga cellphone, cash, at sasakyang ginamit.
Ang mga suspek ay kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad habang inihahanda ang kaukulang kaso kaugnay sa paglabag sa batas kontra ilegal na droga at firearms law. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










