
Hindi tututulan ng Commission on Elections (Comelec) sakaling magdesisyon ang Kongreso na ipagpaliban ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Pahayag ito ni Comelec Chairman George Erwin Garcia kasunod ng pahayag ng ilan na mainam na suspendihin muna ang nakatakdang BSKE ngayong taon dahil sa nararanasang krisis dulot ng tensiyon sa Middle East.
Ayon kay Garcia, bagama’t maaari silang magbigay ng rekomendasyon at suhestiyon sa halalan, nasa kamay pa rin ito ng Kongreso sa huli.
Ipinaliwanag din ng poll body ang naunang sinabi ng Korte Suprema nang ipagpaliban ang BSKE na kinakailangang magkaroon ng government interest.
Naniniwala si Garcia na ang nararanasang krisis ngayon gaya ng mataas na presyo ng langis at iba pang bilihin ay isang lehitimong government interest, lalo na ngayong naghihirap ang mga Pilipino.
Pero sa ngayon, patuloy silang maghahanda para sa November 2 elections alinsunod sa kasalukuyang batas.










