Baboy, pinag-bungee jump bilang atraksyon sa theme park sa China

Screenshot from Weibo video

Binatikos ang isang theme park sa China matapos itali sa bungee rope ang isang buhay na baboy at itulak mula sa tuktok ng toreng may taas na higit 200 talampakan.

Sinuotan pa ng kapa ang 75 kilong baboy na nagpabitin-bitin sa ere bago umano dalhin sa katayan noong Linggo, ayon sa South China Morning Post.

Nag-viral ang video ng nagsisisigaw sa takot na hayop– na inilarawan ng isang opisyal bilang “kaunting katuwaan”– sa social media site ng China na Weibo.


Ayon sa hindi pinangalanang may-ari ng kontrobersyal na Mexin Wine Town theme park sa Chongqing, sinadya ang palabas para sa pagtatapos ng Year of the Pig at pagsalubong sa Year of the Rat ngayong Sabado.

Kinatwiran din ng may-ari na baboy ang una nilang pinatalon dahil sa napakataas na presyo nito sa merkado ngayong taon, na bahagyang bumaba kamakailan.

Humingi naman ng paumanhin sa publiko ang parke na nangakong pagbubutuhin ang kanilang serbisyo.

Kinondena ng People for the Ethical Treatment of Animals (PETA) ang insidente at iginiit na nakararanas din ng sakit at takot ang mga baboy gaya ng tao.

Facebook Comments