
Tiniyak ng Office of the President na magpapatuloy ang Bangsamoro Transition Authority (BTA) bilang lehitimong namumunong katawan ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ito ay sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema na ipagpaliban ang nakatakdang halalan sa October 13, 2025, na itinakdang ganapin bago o hanggang March 31, 2026.
Batay sa Republic Act No. 12123, patuloy na gagamitin ng BTA ang buong kapangyarihan nito sa panahon ng pinalawig na transition period hanggang sa maihalal o maitalaga ang mga bagong opisyal.
Mananatili rin sa Office of the President ang awtoridad na baguhin ang komposisyon ng BTA kung kinakailangan, at hindi na rin kailangan ng pormal na reappointment dahil mananatili sa puwesto ang kasalukuyang mga miyembro hangga’t walang papalit.
Ayon sa Palasyo, layon nitong tiyakin ang tuloy-tuloy na pamamahala, legal na katiyakan, at maayos na paglipat ng pamumuno sa Bangsamoro.
Pinagtitibay rin ng Office of the President ang kanilang paninindigan para sa kapayapaan, sariling pamamahala, at inklusibong pag-unlad sa rehiyon.









