Tuesday, November 24, 2026

BAYAMBANG PNP, NAGSAGAWA NG PAGBISITA SA MGA GUN OWNERS; 20 BARIL, IPINAGKATIWALA PARA SA SAFE KEEPING

Boluntaryong ipinagkatiwala ang 20 baril ng ilang gun owners sa Bayambang Municipal Police Station para sa wastong pag-iingat o safe keeping habang inaasikaso ang proseso ng pag-renew ng kanilang firearm registration.

Ayon sa Bayambang PNP, isinagawa ang pagbisita at pag-account sa mga may-ari ng baril mula Nobyembre 13 hanggang 18, 2026, bilang bahagi ng kampanyang Campaign Against Loose Firearms ng Philippine National Police.

Layunin ng nasabing kampanya na maiwasan ang paglaganap ng mga hindi rehistrado at walang kaukulang awtorisasyon na mga baril na posibleng magamit sa mga krimen at iba pang insidenteng nagbabanta sa seguridad ng komunidad.

Kaugnay nito, hinihikayat ng Bayambang PNP ang lahat ng gun owners na agad na i-renew ang kanilang firearm registration at lisensya, gayundin ang pagsunod sa mga umiiral na batas at alituntunin hinggil sa pagmamay-ari ng baril.

Sa pamamagitan nito, inaasahang mapapalakas ang responsableng pagmamay-ari ng baril at mapapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa komunidad. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments