
Pinapatiyak ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano na hindi malulusutan ng ghost students, pekeng enrollment, at mga fraudulent claims ang bagong Basic Education Voucher Assistance Act na nilagdaan lang kamakailan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Diin ni Valeriano, pera ng taumbayan ang gagamitin sa implementasyon ng batas kaya dapat siguradong mapupunta ito sa mga batang tunay na nag-aaral.
Bunsod nito ay iginiit ni Valeriano sa Department of Education (DepEd) na maglatag ng mahigpit at sentralisadong sistema ng pagberipika sa eligibility o kwalipikasyon ng mga benepisaryo ng programa.
Ayon kay Valeriano, dapat ding magkasa ng regular audits at pag-iinspeksyon ang DepEd at protektahan ang sinumang whistleblowers na mag-rereport ng iregularidad.
Sabi ni Valeriano, sa ganitong paraan ay tiyak na makakamit ang layunin ng bagong batas na mabigyan ng pagkakataon ang mga kwalipikadong estudyante sa pampublikong paaralan na makapag-aral sa pribadong paaralan at upang mabawasan na rin ang siksikang mga silid-aralan.










