Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay FO1 Dennis Deundo, Information Officer ng BFP Cauayan City, hinimok nito ang mamamayan na iwasang gumamit ng paputok sa halip ay subukan na lamang ang mga bagay na nakakalikha ng ingay tulad ng torotot, mga gamit sa kusina, at iba pa.
Kasalukuyan aniya ang kanilang pagsasagawa ng “Oplan Ligtas na Pamayanan” Program upang magbigay ng paalala sa mga Cauayeño para makaiwas sa pinsala ng paputok at insidente ng sunog.
Bahagi naman ng kanilang pagbisita sa mga barangay ang mahigpit na pagbabawal sa paggamit ng mga illegal firecrackers at pyrotechnic devices.
Kabilang dito ang Watusi, Piccolo, Pop pop, Five Star, Pla-pla, Lolo Thunder, Giant Bawang, Giant Whistle Bomb, Atomic Bomb, Super Lolo, Atomic Triangle, Goodbye Bading.
Bawal din ang Large-size Judas Belt, Goodbye Philippines, Goodbye De Lima, Goodbye Napoles, Bin Laden, Hello Columbia, Mother Rockets, Coke-in-Can, Super Yolanda, Pillbox, Mother Rockets, Boga, Kwiton, at Kabasi.
Maging ang pagpapalipad ng mga sky lanterns at pagsusunog ng mga lumang gulong sa kalye ay mahigpit din na ipinagbabawal ng BFP.
Umaasa naman ang pamunuan ng BFP Cauayan City na makakamit ng Lungsod ang “zero casualty” sa pagsalubong sa taong 2022.